danger tea

Hi. New year’s resolution ko ang maging nice person. Kaya nga noong unang araw ng taong 2017 minabuti namin ni Mudrax na simulan ang taon na magaan ang pakiramdam. Kasi paano ka magiging nice sa iba kung hindi ka nice sa iyong sarili? At paano ka magiging nice outside kung hindi ka nice inside? Naisipan naming magpamassage to get some relaxation and rejuvenation. Buti na lang may bagong bukas na spa na malapit lang sa amin kaya hindi na namin kinailangang lumayo para makaranas ng relaxation and rejuvenation. Sinubukan namin sa bagong bukas na Danger Spa.

Hindi talaga Danger Spa ang pangalan nitong spa. Nais ko lang itago ang kanilang pangalan. You're about to find out why and you're gonna shit.

Pagpasok namin sa spa, may kinukulot sa isang sulok. Noon ko napagtanto na hindi lamang ito spa, meron ding salon. Buti na lang madaling nakapag-adjust ang mga ilong namin sa amoy ng gamot na pangkulot. Maya-maya pa ay hindi na namin ito alintana habang nagtatanong ng rates ng massage offerings nila.

Tinignan kong maigi ang mga services offered nila at tunay itong nakakabilib. May massage, facial, parlor, at may physical therapy pa. Meron pang body bleaching, underarm whitening, lipo cavitation, gluatathion injection and dextrose (nagulat ako sa dextrose, ito yata yung option kapag gusto mong palitan ang dugo mo ng glutathion). Complete service from head to toe dito. Parang ang gusto nilang mangyari, papasok ka minsan sa kanilang spa, paglabas mo hindi mo na makilala ang sarili mo dahil sa dami ng nabago sa katawan mo.

Lahat yan offered nila. Kaya naman ang total number of staff nila, hindi ko talaga inaasahan. Binilang ko pa para masigurao na ganun nga sila karami. A total of 2.

Napili naming ni Mudrax yung basic massage package nila. Pagpasok namin sa massage area na natatabingan ng mga kurtina, dumapa na ako sa massage table, at sa hindi kalayuan (mga dalawang hakbang) nakapwesto si Mudrax. Pumasok na si Ateng Masseuse para simulan ang massage. Dahil limited ang space, kinailangan nyang iusog ang massage table padikit sa wall. Ginawa nya ito habang nakadapa ako.

“Sir, yung massage package na napili nyo, massage lang yun.”

“Opo”, wala naman akong ineexpect na iba! Kasama ko kaya ang Nanay ko Ate!

“Kung gusto nyo sir may kasamang stretching. Mas marerelax kayo sir, eto kasing massage parang wala lang.”

Galing ng upselling skills ni Ate. Bibilib ka.

“Just add P50 Sir.”

“Check ko ang budget ko ha,” sabi ko lang, ayoko kasi yung Oo lang nang Oo kasi mamaya baka kung ano-anong add-ons na ang i-offer nya sa amin, magugulat na lang kami ng Nanay ko naka-dextrose na rin kami ng glutathion.

“Sige po Ate.”

“OK Sir wait lang,” at biglang lumabas si Ate at hinanap ang boss. “Ma’am, pa-add ng stretching, P50”

*Whisper whisper*

*Whisper whisper*

Mga ilang sandali pa bago bumalik si Ate at nagwikang “Sir, ngayon lang itong P50 ha”. Haha shet napagalitan pa ata si Ate sa pag-offer ng P50 na add-on.

Siguro para matanggal ang aroma ng pangkulot, nagsindi sila ng mga scented candles sa paligid. OK lang sana ito kung hindi magkatabi ang kandila at kurtina. Sa ganitong paraan nasunugan ang kapitbahay namin noon.

Sinimulan na ni Ate ang shiatsu. Hindi nya ako tinanong kung soft, moderate o hard. Nagdesisyon sya na kailangan ko ng hard.

Habang hinahagod ni Ate ang likod kong pagod, hapo, pagal, hindi maalis ang tingin ko sa kandila sa ilalim ng table. Inaabangan kong sumayad ang ningas ng apoy sa kurtina. Hindi ko na sinabi ito sa staff because I’m a nice customer and a nice person also, kaya pinilit ko na lang magrelax. Pumikit ako at dinamdam ang masahe, at pinakinggan ang soothing sounds sa paligid.

Kasabay ng relaxing music ang sounds ng pumapatak na tubig. Ang sarap pakinggan. Ganitong music ang pinapatugtog ko sa Spotify kapag patulog na ako eh.

*Water flow*

*Soft music*

*Water flow*

*Candle flickering*

*Glasses clinking*

*Water flow*

*May nagkukuskos ng kaldero*

Sa likod pala ng kurtinang katabi ko, natatabingan ang lababo at kasalukuyang may naghuhugas ng pinggan. Sa saliw naman ng tugtugin at relaxing water sounds, narirnig ko ang pinaka-boss ng dalawang masseur, may kausap na customer.

“Buti nga Sir nagagalaw mo pa. Yung isang pasyente ko, parang laging gulat.”

HALA ano raw? Bigla kong naaalala, may kasama nga palang Physical Therapy sa kanilang services. Siguro nastroke yung pasyente.

“Doc kapag pumipikit ako, ang nakikita ko, maliwanag. Para akong nakaharap sa araw.”

Hindi nakakatulong sa relaxation ko ang usapan nilang ito. Buti na lang, yung nagmamasahe sa Nanay ko medyo makwento. Syempre dinig na dinig ko rin.

“Ang dami niyong lamig-lamig Ma’am.”

“Oo galing ako sa Baguio eh.”

Ayun hindi na siya nagsalita uli. Hindi yata nya inexpect ang ganung response. Hindi sya handa. Meanwhile lumipat sa kabilang side ko si Ateng masseuse at inusog na naman nya ang table. May times na hindi talaga siya kasya sa space, halos napitpit na sya sa wall para lang makapesto siya. Itong may-ari, sinulit ang rent nitong space. Siguro kung may chance dadagdagan pa nila ito ng acupuncture o kaya yoga classes, kebs lang sa space.

Pagdapo ng kamay ni Ate sa tagilirang ribs ko napakagat labi ako sa pagtitiis kasi malaks ang kiliti ko doon. Pinipigil ko talaga. Mas gusto ko pa yung feeling ng nagtatae keysa sa nakikiliti. Hindi ko na napigil, napalakas ang tawa ko tapos kinuha ko yung kamay ni Ate para pigilan sya. But no, si Ate tinapik lang paalis yung kamay ko sabay tinuloy ang hagod sa ribs.

“Nakikiliti ka anak?”

*Giggles*

Maya-maya pa, sinimulan na ni Ate ang tinatawag nyang stretching. Tangina naawa ako sa kanya. Sa halagang P50, pinasan nya sa balikat nya ang dalawang hita ko sabay hila. Sabay twist. Sabay fold. Sabay bend. Sampa si Ate sa massage table tapos halos iangat nya ang buong katawan ko. Sabay hatak. Sabay rotate. Tirik ang mata ko eh. Ito ang pinakasulit na P50 sa aking buhay. Siguro pinagsisisihan na ni Ate yung naisip nyang add-on.

“Sir, higa naman po kayo” so tumihaya ako para imasahe ni Ate  mula ulo pababa sa dibdib. Nakapwesto siya sa ulunan ko nang buksan nya ang oil....

...
...
...

Pumatak ang oil sa mata ko puta ang sakit!

“Ay sorry Sir!

Hindi naman ako nagalit. Sabi ko nga ako ay nice customer. Ipinikit ko na lang ang pain. Kaso pag napapapikit naman ako, naririnig ko naman si Dok.

“Kaya nyong ngumiti? Yan good. Simangot naman. Good. Ngisi. Yan good. Umismid ka.”

“Ano yung ismid?” tanong ng pasyente.

“Yung ano, yung parang...” pati tuloy ako napatanong sa aking sarili, paano ba umismid? Di ko naman mapractice kasi baka makita ni Ate Masseuse isipin nya hindi ako masaya sa masahe nya.

“Ma’am try nyo rin yung facial, para maclear itong pores at blah blah” sabi ng nagmamasahe kay Mudrax. Just a little background on my Mudrax, siya yung taong wag na wag mong dadalhin sa nag-dedemo ng product sa mall kasi mabilis syang makumbinse. Iniiwas ko talaga sya sa mga ganun kasi maya-maya...

“Anak, parang gusto ko subukan yung facial nila.”

“Kayo Sir pa-facial na rin” sabi ni Ateng hinihingal matapos ako i-stretching. Sige na lang kasi sabay naman kami ni Mudrax. Matapos ang masahe, nag-take a break lang si Ate at ako rin, gusto ko muna lumanghap ng sariwang hangin, yung hindi amoy pangkulot. Lumabas ako saglit para magpahangin at magcheck ng Facebook.

After a few moments bumalik ako sa Danger Spa. Nasimulan na ang facial kay Mudrax. Ang best part, wala akong maupuan kasi occupied lahat ng area nila. Yung kaninang kinukulot nakatulog na ata doon sa chair. May dalawang girls sa sofa nagbabasa ng magazine, katabi yung Nanay nila na nagpapa-pedicure.

“Wait lang po muna Sir ha,” sabi sa akin ng boss. “Eto po ang wi-fi password namin” sabi nya so may idea ako kung ano ang ibig nyang sabihin: matatagalan ka pang maghintay, mag-Internet ka muna.

“Wala pa po ba yung nagpe-facial?” ang tanong ko sa kanya.

“Ay nandito siya Sir, may pine-pedicure lang.”

At yun nga, si Ateng kakatapos lang magmasahe sa akin, nagpe-pedicure. Habang naghihintay, nagpalipas ako ng oras sa pamamagitan ng pagbilang kung ilang scented candles ang nakasindi at nakakalat sa paligid: 184. OK exaggeration lang pero ang dami talaga, pang-horror movie ang dating.

“Sir, facial na po tayo...”

Sa parehong massage table nya ako pinahiga. Buti naman at hindi ko naamoy sa kamay nya ang paa ng huli nyang customer at naka-gloves sya. Ini-sponge nya yung mukha ko at pinahiran ng something mahapdi.

“Mahapdi? Toner lang to Sir!” sabi ni Ate na para bang kapag nalaman kong toner lang yun eh mawawala bigla ang hapdi. Pero hindi ko na ipinilit. I’m a nice person.

“Tapos ka na diyan?” tanong ni Ate sa kasama nyang staff na naglalagay na ng cream sa mukha ni Mudrax. Kasunod nito, itinutok nya sa akin ang steamer. Sa buong process ng facial ito ang pinakaayaw ko. Masakit sa ulo ito eh. At saka para akong nadedehydrate ganun? Habang nakatutok sa akin ang steamer lumabas muna si Ate. Ito yata ang break nya. Or ewan, baka nagising na yung nagpakulot at hinanap siya?

Sa isa pang massage table narinig ko na naman ang tinig na puro takot ang hatid sa aking imahinasyon, ang tinig ni Doc.

“Lalakasan ko ang kuryente ha?”

“OK Doc.”

“Kaya pa?”

“Ungh”

“Eto”

“Unghhh”

“Yan?”

“Unghhhhh”

Naalala ko ang pelikulang Saw for some reason.

Alam mo yung may pinapakuluan kang karne tapos gusto mong icheck kung malambot nya, so inangat mo yung takip ng kaserola tapos biglang bumulusok sa mukha mo ung mainit na steam at naluha ka bigla? Ganun ang nangyari sa akin, medyo gradual lang, pero ang ending, masakit na ung mukha ko at naluluha na ako dahil sa steamer.

“Miss... Miss... Miss?”

Mainit na talaga nung hinawi ni Ate ang kurtina at i-off ang steamer. Shet ginawa nya akong siomai. Sinimulan nya na ang pagprick at ito ang nakuha kong chance para umiyak. Naluha na talaga ako di ko na kinaya. Kasunod naman ang diamond peel. Para syang may hawak na peeler talaga.

“Sir baka gusto nyo, meron din kaming warts removal,” siyang pag-upsell ni Ate.

“Ah magkano po?”

“Meron pong charge na per area...”

“Magka—“

“... pero i-avail nyo na yung unli.”

“Unli?”

“Yes Sir, unli-warts.”

Hanggang kelan kaya ang itatagal ng nice person-nice person ko ngayong taon?

Next, nilagyan nya na ako ng cream. Whitening daw yun. Habang hinihintay manigas ang cream napapikit akong muli. Humihilik na ang Nanay ko sa kabilang massage table. Pero ako, mas dilat pa sa kwago. Sa lahat naman ng napuntahan kong spa, dito ako alert 100% of the time. Hindi ko magawang magchill nang lubusan.

Dumungaw sa kurtina ang boss siguro para icheck kung ano na ang natamo kong injuries so far. Napatakan ng oil sa mata? Naisaing ang mukha? “Sir ang init pala dito, lipat na lang kayo dun sa kabilang massage table para abot ng aircon.”

Gusto ko sanang sabihing malamig doon kanina, yung steamer ang may kasalanan. Bumangon ako at sinundan sya palabas. Ayun, habang may naninigas na cream sa mukha ko naglakad ako sa pagitan ng mga kinukulot at pinepedicure.

Bumalik na si Ate at nilinis ang cream sa mukha ko. Gising na rin ang Nanay ko at nagbabayad na. Sabi ko mag-tip sya, tig-100 yung dalawang staff. Siguro natuwa sila kasi agad-agad silang may in-offer kay Mudrax.

“Pagupit na kayo Ma’am.”

“Hair color Ma’am, ako na rin ang magkukulay.”

“Eto Ma’am tsaa. Kayo Sir, gusto nyo rin ng Danger Tea?” sabay abot sa akin ng salabat.

~The End~

UPDATE JAN 19 2017

Hinanap ko yung spa sa Facebook only to find out pinipicturean pala nila kami sabay post! Hmpft.


If you look closer makikita mo akong nakatapat sa steamer nung time na sinasaing ni Ate ang mukha ko.

videoke girl

Minsan nakakatuwa ang mag-videoke. Minsan nakaka-offend. Ako nga naooffend sa sarili kong boses. Parang galing sa hukay ang singing voice ko. Hindi ito para sa ikaeenjoy ng madla. Hangga't maaari, pinaka-iiwas-iwasan ko talaga ang mapasabak sa videoke kasi ito talaga ang nagdudulot ng kahihiyan sa akin.

Madalas diba katuwaan lang ang videoke, pero paano kung, tulad ng boses ko, negatibo na ang epekto nito sa paligid? Maraming bagay ang dapat isaalang-alang. Let me tell you a story.

Meron akong paboritong carinderia dati, na tawagin nating Carinderia 1. Masarap kumain doon, edible naman ang mga food at mabait yung waitress, friends pa nga kami sa Facebook. Ngunit isang araw, nag-install sila ng videoke machine. Sabi ko NOPE BYE THAT'S IT I QUIT Simula noon, hindi ko na sya favorite. Nakakasira kasi ng dining experience, you know what I mean? So lumipat ako sa katabing carinderia, ang Carinderia 2.

Dahil nagkaroon ng videoke, naging instant inuman place na ang Carinderia 1. Syempre hindi maiiwasan na mag-ingay sila habang nagkakasiyahan. Yung ingay nila, umaabot hanggang sa Carinderia 2, kaya dinig na dinig ko ang mga kaganapan. May mga kumakanta doon minsan, magagaling. Naalala ko yung kumanta dati ng Take Me Out Of The Dark na kaboses ni Jose Manalo.

Isang gabi, pagdating ko sa Carinderia 2, narinig kong may isang grupong nagvivideoke na naman sa Carinderia 1, mga naka-uniform ng *insert name of sikat na hardware store here*. OK lang naman, baka yun ang paraan nila upang mag-unwind matapos ang isang araw ng pagtatrabaho, at saka wala pa namang alas diyes ng gabi. Hindi pa naman sila nakakabulabog... so far.

Sadyang nakakalungkot lang ang mga sumunod na kaganapan.

Habang kumakain, narinig kong nagkakantyawan ang mga party peeps sa kabila. Tinutukso nila na kumanta ang isang kasama nilang babae, na itatago natin sa pangalang... Ate. Si Ate, ayaw kumanta noong una, ngunit napilitan. Ikaw ba naman ang tuksuhin much. Bumigay na siya, keysa naman matawag na killjoy. Ang napili nyang awitin ay ang awit ni Jireh Lim na pinamagatang "Buko" na isang awiting sadyang pa-sweet lang. Ito ang "Torete" at "Sway" sa videoke ng makabagong henerasyon.

Kakaiba ang version ni Ate ng Buko, nakakauhaw.  Napukaw ang atensyon ko kaya sa lalong madaling panahon ay ni-record ko sa phone ko yung performance nya.

Enjoy:



Nabitin ba kayo? Me neither. LOL joke lang Ate.

Muntik na akong pumunta sa Carinderia 1 para kausapin si Ate at bigyan ng payo. Hindi nakakabuti sa kanya ang pag-inom. Tingin ko, kung walang impluwensya ng alcohol, may talent siya eh. Pwede pa isalba eh. Sana huwag syang malulong sa bisyong ito. Mamili na lang siya. Iinom o kakanta? Isang bisyo lang dapat.

Yung mga kasama nya, natahimik. Hindi ata sila handa. Hindi nila inexpect na ganyan ang kalalabasan.

Iba talaga ang peer pressure no? This time, nagbackfire, dahil mukhang nag-enjoy si Ate. Hindi ko mawari kung lasing na sya, sabi ng mga kasama nya, "Kampai!" I guess, para hindi na siya kumanta. LOL joke lang Ate.

Ngunit sadyang hindi pa kuntento si Ate. Nanlaban siya eh. Naipindot nya yung next song nya na talagang magshoshowcase ng kanyang boses. Bumirit siya ng isang classic na awitin ni Sarah Geronimo. Walang nakapigil sa kanya.
 

Sarah Geronimo naririnig mo ba ito? You better take some notes, coz your Forever's Not Enough is not enough. Kabahan ka na.

Iba ang version ni Ate, remix siguro yan. Nakakauplift. Ganyan ang mga gusto kong naririnig kumanta. Hindi sya boring eh. Sakto na yang cover version ni Ate. Mag-eenjoy akong pakinggan.

Yang ganyang singing voice, mapapanaginipan mo. Sa una kung papakinggan mo parang Lani Misalucha eh. Kuhang-kuha nya yung technique ni Lani Misalucha, yung mahina tapos biglang lumalakas? Laning-Lani, tapos haluan mo ng LA Lopez na papunta na sa Bjork? Basta, unique ito.

Habang pinakikinggan ang recording ko mas lalo kong naappreciate. Ini-ignore ko lang yung part na parang nabilaukan siya sa beer. Nakapagdesisyon na ako, ito ang gagawin kong alarm clock tone. Tiyak mapapabangon ako agad-agad at hindi na malelate sa trabaho.

Katuwaan lang ang lahat OK? Hindi ko intensyon to offend(1) her, or baka may ma-offend(2) na namang mga easily offended(3) readers jan na araw-araw naghahanap ng bagong ikakaoffend(4).

Tsaka wala ako sa posisyon para laitin siya gayong batid ko naman na it's a tie lang kami. Buti nga siya yung boses nya, boses tao.

THE END

May napansin ba kayo sa lyrics ni Ate? "And I, forever's not enough". Hindi ba "if" yun? Hindi nya nakita ung 'f'? O talagang I yun? Mali si Sarah Geronimo? Ang dami kong tanong, ayoko ng ganito. Ayoko na NOPE BYE THAT'S IT I QUIT 

bituing walang ningning - the untold story

Hey Kids, remember when I butchered the classic Filipino movie Bituing Walang Ningning? Me neither. Pero minsan nababagabag talaga ako sa mga ideas ko tungkol sa pelikulang ito, to the point na hindi na ako maka-function. I have conspiracy theories and parallel universes and alternate realities and such kaya sa utak ko, iba na ang kwento ng Bituing Walang Ningning. You wouldn't believe what I think about during my free time.

So eto ngayon, bababuyin ko na naman siya. Naaalala nyo nung sinabi ko na si Sharon Cuneta talaga ang kontrabida sa pelikula? Well, now I have proof.

Putting my salaula skills to use, here's a "trailer" for a whole new version of the film, something you've never seen before! (exajj lang)


Sorry na, Miss Sharon Cuneta. Hindi ko rin alam bakit lagi kong napagdidiskitahan itong pelikulang nyo eh. Siguro dahil ito ang ultimate Pinoy drama: rags to riches, fame and fortune, revenge, suffering, public humiliation and other Pinoy hobbies... tapos may sabuyan pa ng wine? Siguro dahil napakagaling ng aktingan nyo ni Miss Cherie Gil? Siguro dahil napaka-iconic ng mga eksena at linya? Siguro dahil may something wrong with me?

Who cares. I love this movie. And I love making fun of the movies I love. Nora Aunor, you're next.

As requested by Sir Jek Josue David, a big Sharon Cuneta fan ('fan' is an understatement), gumawa ako ng matinong "trailer" for the fans of the film:


Sabi nga ni Dorina kay Lavinia, "Nagustuhan mo ba?"

But my favorite line from the movie is Cherie Gil's "You'll never make it". Gusto kong gawing alarm clock tone. Everyday, let's make it a point to tell someone, "You'll never make it".

I think this is just the start of another hobby: reimagining the classics and making baboy trailers! Join me in my journey. Next stop: Himala... as a bold movie. Handa ka ba? Kakayanin mo ba?

Thanks bye mwahchupa.

I don't own any of the movie clips or music, so please don't sue me. You'll never make it.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

padding

Padding