aswang

Naalala nyo pa yung tita kong si Sasha Fierce?

Kaninang umaga pag-uwi ko galing sa trabaho, habang nanonood ng TV at nag-aalmusal eh may commercial sa TV ng Survivor Philippines at pinakita na nagbabangka sila, at biglang sumabat ang Sasha Fierce,

"Sa ganyan kami sinukat ng aswang."

Medyo nabulunan ako sa sinabi nya kaya nilunok ko muna yung nginunguya kong longaniza bago nagtanong ng "Ano?"

"Sabi ko sa ganyan kami sinukat ng aswang."

Eh hindi ko nga gets kung ano yung sinukat ng aswang sa inyo. "Ano nga yun?"

"Yan oh, yang bangkang yan, nung mga bata pa kami, muntik kaming aswangin habang nakasakay kami diyan!"

Eto na naman tayo sa mahaba-habang flashback moments ni Sasha Fierce sa kanyang violent but fun childhood.

"Apat kami nun, ako, si Remedios, si Clarita at may isa pa kaming pinsan. Nakasakay kami sa ganyang bangka. Eh nagkataong nandun yung aswang, sukat kang inuga-uga ba naman at lulunurin kami!"

"Pano mo naman nalaman na aswang yun?"

"Eh aswang talaga yun alam ko pa ang bahay nila Siason ang apelyido kaklase ko pa ang anak nya. Nagbabagong anyo pa yun marami nang nakakita. Minsan nagiging baboy minsan naman bulalakaw."

Tanginang aswang yan, nagiging bulalakaw.

"Ayun, nung nakita ni Nanay na inuuga yung bangka namin, sinigawan nya at pinauwi ang aswang. Hay simula noon natakot na kami lumabas kasi inaabangan kami sa labas ng bahay! Si Tatay nga eh muntik na hilain ng aswang!"

Focus on my longaniza.

"Buti na lang, may barya sya sa bulsa. Kasi kapag may barya ka, hindi ka nila maguguyod. Tapos yung kaklase ko naman na anak ng aswang, alok nang alok sa akin ng tinapay! Hay, kahit gutom na gutom ako, hindi ko tinatanggap, sinasabi ko may baon ako kahit wala."

"Bakit, ano mangyayari sa iyo kapag kumain ka ng pagkain nila?"

"Eh di mahahawa ka. Yung asawa nga ng pinsan namin eh, hayyy Diyos ko, nahawa ng aswang, si Auntie Bok mo ang nakakita! Sukat kang nakipamiyesta sa kabilang bayan eh may aswang dun at kumain sya ng pagkain nila, ayun pag-uwi nya, sumayad ang dila nya sa lupa."

Visualize nyo ito: longaniza bits, flying everywhere.

"Sige tumawa ka pero totoo yun! Tinali nga nila sya kasi tinutubuan sya ng pakpak sa likod ay Diyos ko mahabagin. Yung asawa nya gusto pa sya mabuhay pero yung mga anak nila ayaw na kasi baka mahawa sila."

"Anong ginawa sa kanya?"

"Ayun sinaksak na nila. Madami talagang aswang sa amin, mga kapitbahay pa namin yung iba." Nanahimik sya sandali, tapos...

"Puro mga bading."

"Ang aswang?" tanong ko.

"Hinde! Yang mga kasali sa Survivor!" sabay turo sa TV.

16 comments. Post your comment here.:

MakMak said...

Nasamid ako sa iniinom kong tubig sa ending nito. Haha. :-)

wendell said...

naging minimalist ka ata ngaun? linis ng site mo ah... hehe

DRAKE said...

Nakakatuwa ang tita mo ah! Ngayon alam ko na kung san ka nagmana!hahahaha!

Yj said...

hahahahah

sasha fierce for the mother fucking win!!!!

hoy baguhin mo yang MAGUGUYOD... sino makakaintindi niyan nih!!!!!

Random Student said...

ayos multi-segue ang eksena LOL. pero tutoo naman talaga at nag-eexist sila. taga Capiz ang mga ninuno ko kaya makulay rin ang mga kwento nila about that. bulalakaw sya in a sense na apoy na lumilipad.

glentot said...

@MakMak, ako man nagpasabog ng nginunguya kong longaniza...

@Wendell effect ng Bible Study namin? Maglinis ng buhay? haha

@Drake masanay ka na, kung alam mo lang kung anong itsura nya habang nagkkwento, hindi mo kakayanin...

@YJ term kaya ni Sasha Fierce yung 'guyod' wag na kwestyunin hahaha

@RandomStudent Segue Queen talaga stya, may isa pa akong post before na nagfocus sa pagsesegue nya...entitled Segue.

SALAMAT PO SA MGA NAALIW.

Em said...

enjoyed the messed up convo of sasha fierce LOL

lam ko na kung san ka nagmana :P jk

glentot said...

@Em nyahaha crazy runs in the family...

toni D. said...

sana may auntie rin akong ganyan!

glentot said...

@Toni D Dyan ikaw ba yan? Bakit maghahanap ka pa ng Auntie eh mama mo mismo baliw.

Myk said...

Crazy story. LOL!

Meryl said...

Ah ewan! Ang gulo niyo kausap. Hahahaha.

toni D. said...

shit!..yan na nga iniexpect kong sabihin mo!

Overthinker Palaboy said...

new fan of tita sasha fierce here :)

Anonymous said...

Ilan araw bagu malaman na nahawaan ka ng aswang

Red Hoodie said...

Nakakatawa yung bulalakaw. Haha. Napaisip din ako kung tagalog ang maguguyod. Samin kasi meaning nun hinihila.

Post a Comment

Share mo thoughts mo.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

padding

Padding