segue

Sana kahit medyo mahaba, mabasa nyo ito. It's a cry for help. Isang araw pagdating ko sa bahay galing sa trabaho…

“Heeeehhh! Aray Diyos ko nasugat ako! Tsk tsk. Nahiwa!”

Sasha. Sya ang tiyahin ko. Nagsisisigaw. May nahiwa sigurong parte ng katawan nya habang naghihiwa ng pork chop. Sinasabotahe ako nito eh. Alam naman nyang nagpapapayat ako, panay pa ang luto ng kung anu-anog masarap. Hindi nya ininda ang sakit, at kakapasok ko pa lang sa pinto, nagsimula na sya sa pagrereport.

“Si Angel Locsin may dengue daw. Siguro dun nya yun nakuha sa Australia no? Kasi ‘di ba nagshooting sila dun, ‘yung may kabayo. Siguro maraming lamok yung kabayo.”

Ganyan talaga si Sasha magkuwento, hanep sa logic. At biglaan din sya mag-segue. Hindi ka pa nakakurap, iba na ang kinikuwento nya. Lalo kapag nakasindi ang TV, kung ano ang nasa TV dun din related ang kwento nya.

“Ang sungit-sungit na babae. Hmpf. Hindi nya ba alam na ang taong bayan ang nagpapasweldo sa kanya?”

“Kanino, kay Angel?” Nilapag ko ang bag ko sa sahig na pinulot nya at sinabit sa pinto. Hinubad ko ang sapatos ko at sinipa sa sulok, na pinulot nya at dinala sa may pintuan.

“Hindi, yung babae sa SS. Para itatanong ko lang naman kung magkano na ang contribution ko. Sabi niya 25 months daw. Eh 3 years na akong nagbabayad?! Nagsimula ako nung o-six. Dapat 36 months.” Balik sya sa paghihiwa ng pork chop.

“Eh di tama, 2 years ka pa lang nagbabayad, 24 months.”

“Ha?”

“O, 2006 to 2007, isang taon. 2007 to 2008, dalawang taon.”

Matagal syang natahimik, tumigil sa paghihiwa. “O-six. O-seven. O-eight.” Bumubulong-bulong sya, nagbibilang. “Tapos January o-nine pa lang ngayon. Sa o-ten pa pala magiging 36 months.”

Mama ang dugyot mo. Anong oten? Mama ang tawag ko sa kanya, ewan ko, nakasanayan ko na. Hindi man lang nya ako kinumusta, kung kumusta ang araw ko sa trabaho, hindi. Sya pa ang nag-uupdate sa akin sa nangyari sa araw nya. Alam ni Sasha ang kaganapan sa buong apartment building. Pwede syang Manila Bulletin Ground Floor to Fourth Floor Edition.

“Di ba kilala mo si Sabel?” Tanong nya bigla.

“Hindi, sino si Sabel?”

“Katulong ng landlord. Yung pinagalitan kasi nilagyan ng gatas ang macaroni salad. Kabilin-bilinan nga na wag lalagyan ng gatas kasi diabetic ang amo nya.”

“Bakit nya naman nilagyan?”

“Eh matabang daw.” Sabay tumawa. “Gagang Sabel.”

“Palalayasin ba?”

“Diyos ko lumayas na no! Inunahan na nya. Pagkaalis nga dito eh nagtetext ba naman kay Roxanne. Roxanne na asawa ng landlord! Kagalit nya yun eh. Tinitext nya gamit ang ibang number. Dati ka namang pokpok! Sa lupa ka rin galing! Mas mababa ka pa sa amin! Mas malinis pa kami sayo.”

“Tapos?” Wow. Groovy ang usaping ito. Yes. Wow. “Ma, pakulay ka na nga buhok, puro puti na.”

“Ayoko pa ngayong o-nine next year na lang sa o-ten.”

Eto na naman tayo sa oten eh. Kapag ganitong sablay ang mga sagot sa akin ni Mama, hindi na ako nagrereact.

“Ma, night shift na ako ulit sa February. Mainit ba dito sa tanghali?”

“Medyo. Eh ayos lang nasa office ka naman kung tanghali di ba.”

“Hindi nga Ma, night shift na nga ako. Tulog ako sa tanghali.”

“Eh ayos lang naman kasi wala na tayong kapitbahay. Nasa Australia na sila Diamond. Hay pakiramdam ko malamok doon.” Shit, wala talagang kwentang usapan ito.

Nilapag nya yung hinihiwa nyang pork sa harap ko. Tinignan yung mga hindi pa nahiwa. “Hihiwain ko na kaya ito lahat? Hay wag na pagod na ako masakit pa yung sugat ko.” Binitiwan nya ang kutsilyo at naupo. “Kumain ka na, yang mga naunang naprito. Ubusin mo na yang kanin. Nasira yung isang rice cooker, ayaw bumaba ng pindutan.”

“Eh di tukuran mo.”

“Eh di nasunog ang kanin!” One point.

“Ma, gusto mo ng Coke?”

Hindi sya sumagot. Kumuha sya ng boteng walang laman sa ilalim ng lababo at inabot ang coin purse na nakasabit sa pinto. Lumabas. Pagbalik, may dalang Coke. Ganun ko utusan si Mama. Ma, gusto mong mag-ulam ng pinakbet bukas? Kinabukasan pakbet ang ulam namin. Ma, marumi na yata itong jacket ko. Kinabukasan, bagong laba na. Ma, gusto mong gumawa ng leche flan? Magbabasag na sya ng mga itlog. Ma, gusto mong ipagdasal ang kaluluwa ko?

Pagkalapag nya ng Coke sa lamesa, “Pastilaaaan Duuuuude?!?” Ginaya na naman nya ang naririnig nya sa radyo. Ilang beses ko nang nilipat yang istasyon na yan ng radyo sa ibang istasyon, yung hindi nakakairita, pero ewan ko ba, parati nyang binabalik sa Pastilan Dude. Nakakabwisit. Pauso ng pauso. What the fucking fuck in the history of what-the-fuck is Pastilan Dude?

“Samahan mo nga ako sa SS hihingi ako ng kopya ng nabayaran ko. Ikaw kumausap dun sa babaeng masungit. Yung SS ng nanay mo, itanong mo na rin.” Inabot nya ang binitiwan nyang kutsilyo kanina. Naghihiwa na naman sya ng pork chop. Hindi sya mapakali kapag walang ginagawa, hindi nya kayang may gawaing nakatiwangwang.

“Sa day-off ko na lang.” Please lang Ma, ayokong sayangin ang day-off ko sa walang kwentang bagay. Isang malaking scam ang SSS, ano ka ba? UHM! Magsasakit-sakitan na lang ako uli sa day-off ko para hindi ko na sya sasamahan sa SSS. Oo pala, SSS ang tinutukoy nyang SS. Hindi nya yata napansin na tatlo ang S.

“Hindi kasi nag-ingat yung babaeng yun eh. May bagong pelikula pa naman sila ni Paolo.” Ah si Angel Locsin uli ang topic. “Paolo Pascual. Tinapatan naman ng Seven, si Rufa Mae at Polo Contis. Hindi nya bagay ang role na bakla. Mas bagay na bakla yung isa pang gumaganap na bakla. Si Piolo.”

Mapa-Piolo, Paolo, o Polo, pare-pareho lang kay Mama yan. Wala na akong balak na i-correct sya.

“Piolo Pascual?”

“Piolo Ravalez. Ex ni Aira Mina.” Whatever Mama, you’re such a—

“Heeeehhh! Araayyy!” Nahiwa na naman nya ang kamay nya. Pero patuloy pa rin sya sa paghiwa. At pagkuwento.

“Nakita ko yun sa Eastwood eh.”

Sigurado ako mali ang hula ko nito. “Si Ara Mina?”

“Si Sabel! Hay kaawaan! Naglayas-layas pa kasi. Ewan ko kung magkano naman ang sweldo nya dun. Baka mas malaki. Heeeehhh! Arrrrraaayyy! Pangatlong hiwa na. Ang talim ng kutsilyong ito talaga. Ipapahasa ko rin yung iba para matalim lahat.”

Sige para maubos ang kamay mo. Pinatay nya ang TV at tumugtog sa radyo yung lumang theme song ng JuMong, at nagsimula na syang kumanta.

“Hold on? Maybe hold on? You got to hold on now, this feelings so strong? Hold on, maybe hold on. It’s somebody design, come and watch out, watch out Hawaii. Nga pala, sabihin mo huwag na syang bumili ng gulay ha, dito na lang tayo bibili.”

“Sino, si Sabel?”

“Hindi! Yung nanay mo. Sabihin mo wag na syang bumili ng gulay. Sa susunod na uwi nya na lang. Strawberry na lang.”

Hayup na segue. “Sige i-text ko. Strawberry lang?”

“Oo, ipapalaman lang naman natin.”

“Ah strawberry jam.”

“Oo nga!? Strawberry nga. Tsk tsk tsk. Papalitan daw lahat ng dugo nya. Kaawa-awa naman.”

Namutla ako bigla sa sinabi nya, nabilaukan ako sa nginunguya kong pork chop. “Ano??? Si Nanay?!?!?”

“Si Angel Locsin. Di ba nga, na-dengue sya sa Australia dahil sa kabayo.”

Punyeta. Bukas pag-uwi ko, matutulog ako. Agad. Pastilaaaaan Duuuuude!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

padding

Padding