melen

Aside from my pasaway na tita na si Sasha Fierce, may isa pa akong paboritong Auntie, si Auntie Melen.

Emelyn ang pangalan nya pero Auntie Melen ang tawag namin sa kanya. Ate sya ni Pudrax, Grade 5 Teacher sya sa elementary school sa aming barangay. Batang paslit pa ako noong una syang rumehistro sa aking memorya. Lagi nya akong hinihiram kay Mudrax kasi wala pa silang anak noon ng asawa nyang seaman.

Kung hindi dahil sa pangingialam nya sa aking kindergarten career eh wala siguro ako dito ngayon.

Ang kuwento sa akin ni Mudrax, nagsimula ang lahat isang araw noong limang taong gulang pa lang ako, sa enrollment ng Kindergarten sa aming elementarya. Lingid sa aking kaalaman, kino-convince pala ni Auntie Melen ang aking Mudrax na i-enrol ako sa Kinder, kahit kulang ako sa edad, kahit wala pang balak si Mudrax na i-enrol ako.

Ayaw pumayag ng teacher ng Kinder na pasalihin ako sa klase, kahit ipagpilitan pa ng Auntie ko na saling-pusa lang ako. Matapos ang maraming negosasyon para maipasok ako, ("Kung hindi nya masabayan ang leksyon eh di alisin nyo na lang siya"), pumayag ang Teacher at Principal na mag-saling-pusa ako sa klase.

To cut the long story short, I kicked some ass, dahil matapos ang school year, Second Honor ako sa aming klase, not to mention ako lang ang magaling magbasa ng Tagalog at English (sabi ng Mudrax ko). Hayaan niyo na ako magyabang, kasi yan na ang pinakamataas kong achievement sa aking buhay, tsaka blog ko naman ito.

Pagdating ko ng Grade 1, ayaw na naman akong tanggapin ng Teacher ng Grade 1, dahil nga kulang ako sa edad, hintayin ko na lang daw next year.

"Hindi ko matanggap na hindi makapasok sa school ko ang sarili kong pamangkin."

Kabog ang keps nilang lahat sa kanyang makabagbag-damdaming linya kaya yun pinayagan akong mag-Grade 1.

Never akong tinanong ni Auntie Melen kung gusto ko bang pumasok sa school, nag-assume lang sya na dapat pumasok na ako. Kung ako lang, mas gusto ko pang maglaro ng lupa sa likod ng bahay namin.

Noong first day of classes sa Grade 1, nagmamakaawa ako sa Mudrax ko na ayoko nang mag-aral.

"Eh anong gusto mong gawin?" phone-in question ni Mudrax habang isa-isang nilalagay ang aking notebooks sa bag kong mukhang attache case.

"Maghuhugas na lang ako ng pinggan."

Hanggang ngayon, kapag naaalala ni Mudrax yung pag-uusap namin noong umagang yun, natatawa pa rin sya.

Naalala kong lagi ako sa bahay nila Auntie Melen noon, kahit medyo natatakot ako sa kanya kasi may pagka-istrikta sya. Pero paborito ko sya noon, at alam kong paborito rin nya ako. Madalas nya akong pagbasahin ng libro nang malakas, o kaya ipakilala sa mga estudyante nya sa school. Sabi nya, kung magiging First Honor daw ako, ililibre nya ako sa Jollibee. O diba positive motivation?

Kaso Third Honor na lang ako nun. Walang Jollibee. Pero ang mahalaga, nagsimula na ako sa aking school career, kasi hindi na ako tinanggihan ng Teacher ng Grade 2. Hindi ko na matandaan kung anong honor ko noong Grade 2 basta meron din. Meron din akong honor noong Grade 3, pero hindi ko na rin matandaan, dahil isang malaking pangyayari lang ang naaalala ko.

Namatay si Auntie Melen sa miscarriage.

Nagsimula ang mga gabi ng lamay. Gabi-gabi kaming pumupunta sa bahay nila Auntie Melen para makilamay. Syempre may sugalan sa labas, may pagkain sa loob. May kabaong at nandun sya. Kapag napagod at inantok na ako, matutulog ako sa kwarto nila. Tinatakot ako ng mga pinsan ko na kapag natulog ako dun eh makikita ko raw sya, sa isip ko naman, Paano ko sya makikita rito eh nandiyan sya sa labas at nakahiga lang?

Nang matapos na ang mga gabi ng lamay at nailibing na si Auntie Melen, saka ko napagtanto na wala na sya. Wala nang lamay. Hindi na ako makakapunta uli sa bahay nila. Putangina, wala nang Jollibee.

Ngayon, napaisip ako, kung hindi nya ipinagpilitan noon na ipasok ako sa Kinder at Grade 1, baka ibang-iba ang naging buhay ko. Malamang hindi ko kaklase ang mga naging kaklase ko ngayon. Syempre, iba rin ang mga naging kaibigan ko.

Kinuha ko ang course kong IT sa SLU dahil sa pamimilit ng bestfriend ko, kaya kung hindi ko siya naging kabigan, malamang ibang course at ibang school ako pumasok. Hindi siguro ako nag-aral sa Baguio, iba siguro ang trabaho ko ngayon. Siguro, naghuhugas talaga ako ng pinggan ngayon, ewan.

Ibang iba siguro ang buhay ko ngayon.

Ngayon ko naisip na ang mga bagay, maliit man o malaki, na ginawa natin sa ibang tao ay may malaking impact, sooner or later, sa mga buhay nila. May buhay tayong nababago, alam man natin o hindi, sinasadya man natin o hindi. Sinong makakapagsabi na konektado pala ang buhay ko ngayon sa napakalayong alaala ng isang araw na ipinaglaban ako ni Auntie Melen sa school para lang maka-enrol sa Kindergarten?

Isang araw kapag nagkita na kami uli, ilibre nya pa kaya ako sa Jollibee kahit hindi ako First Honor?

16 comments. Post your comment here.:

Chingoy said...

sabi nga, walang coincidences... lahat magkaka-"connect"... lahat may kaugnayan...

salamat kay Auntie Melen dahil parte sya ng pagiging Glentot na binabasa ko ngayon. :)

Yj said...

gagah hindi na kayo magkikita ng anti mo... mabait siyang tao kaya tiyak nasa langit yun...

asa ka namang dun ka mapunta?

bwahahahahahaha

pero malalim ang post na ito bansot ha..... hoy kelan mo ako gagawing model? balita ko may bago kang cam ha!!!

kikilabotz said...

tama lahat ng mga bagay na ginawa natin makakaapekto sa susunod pang mga kaganapan. halimbawa kapag tumingin k sa kaliwa hnd mo mkikita ang kanan. waaaaaaaahhh lalo ko lang pinagulo ang buhay buhay.wahahaha

Jepoy said...

Ang ganda ng lesson ng entry mo. Hindi ko inakala na mauulit ang istorya mo tungkol sa babaeng parang kangaroo sorry I forgot her name.

So ang kabutihan ko sa'yo maliit man ito alam kong may malaking impact sa buhay mo kaya welcome kahit hindi ka nag tha-thank you kahit isang beses! Letche!

hihihihihi

DRAKE said...

Naks umeemo, at may reflections pa sa huli!gumaganon

Oo naman kung siguro hindi ka pinilit ni Auntie Melen mo (sosyal Auntie!) malaman isa kang adik sa kanto habang may hawak hawak na supot ng rugby.hahahha

Buti na lang pinilit ka!

m2mtripper said...

"Isang araw kapag nagkita na kami uli, ilibre nya pa kaya ako sa Jollibee kahit hindi ako First Honor?"

Natouch naman ako.

Kampai!

KESO said...

korek. lahat tlga may dahilan, lahat ng nangyayari may dahilan. gusto ko tong post mo na to. aylabit. hehe.

mga mttanda tlga, lging ginagawang kasangkapan si jollibee sa pang uuto ng bata hehe.

andrei jon said...

naalala ko yung 5 people you meet in heaven.

PABLONG PABLING said...

habang binabasa ko e nag eexpect ako ng nakakatawa pero kinilabutan ako sa dulo. whewww.

nice post

p0kw4ng said...

lahat ng bagay o nangyayari bawat minuto ay may dahilan...saka mo lang marerealized sa huli...

ang arte ng comment ko,hihihi

rundeekalel said...

OMF*ngGosh! ikaw ba talaga nagsulat nyan? somehow, somewhere, sometimes.....akalain mo, sensible ka pala ha.

bwahahahaha....thumbs up? understatement ata un...let's say...."HOLD UP to you Glenn!" - para taas buong arms with the 10 fingers! :)

glentot said...

Chingoy hahaha baka paluin nya ako dahil sa sinabi mong yan parang BI pa sya sa akin hahahaha

YJ maahit ka na ng legs dahil may photoshoot tayo nude.

Kikilabotz siraulo ka talaga hehehehe ang lalim talaga ng comment mo napalingon tuloy ako sa kaliwa...

Jepoy I don't know what "kabutihan" you're talking about hahaha

Drake kurimaw ka talaga!

M2mtripper san banda ka natouch hahaha

KESO ginamit din ba si Jabby pang-uto sayo hehehe

Andrei ano yun libro ba yun

Pablong Pabling salamat nag-effort ako magseryoso jan

Apokwang ang drama naman ng comment mo mas madrama pa sa post ko hahahaha mwah!

Rundeekalel parang kilala kita.... hehehehehehe nandyan ka lang yata sa tabi....

Ape said...

ang iyong auntie melen ang tinatawag na makabagong bayani.

sama ko sa jollibee pls.
thanks.

ʎonqʎʇıɔ said...

nakaka-touch naman. sometimes all u need is one person to believe in your capabilities. kahit maigsi lang buhay niya, malaking malaki naman ang impact. :D

Ayie said...

Ililibre ka nun, siguradong may branch na ang Jollibee sa heaven, sa Saudi nga nakarating sila eh--ang tanong paano kung di ka sa heaven mapunta?

Heheh. Joke.

Salamat kay Auntie Melen. Kundi dahil sa kanya, hindi ka magiging achiever--hindi ka magiging si Glentot da great!

d-loner-runner said...

nice post.. :)
Auntie Melen touches your life, who touches mine?..nyaiks..wala lang, hehehe..^_'

Post a Comment

Share mo thoughts mo.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

padding

Padding