my top 5 memorable horror movie characters

Mahilig ako sa horror movies. Iba nga lang ang taste ko. Yung nakakatakot para sa akin, corny para sa iba. Yung nakakatakot para sa iba, nakakabwisit para sa akin.

Ayoko kasi ng mga movies na ang element na pangsindak eh malakas na panggulat na sounds o paulit-ulit na dream sequences. Ayoko kina Jason or Freddie or Chuckie or Lotus Feet.

May mga ibang movies na humahalo sa bangungot ko. Sobrang galing kasi ng pagkaka-imahe ng character, na kahit ilang taon na ang nakalipas nung mapanood mo yung movie eh naaalala mo pa rin kung paano ka napamura sa kaba nung una mong napanood yun.

Eto ang list ng mga movie characters na ayokong makita sa dilim.

Carl Rudolph Stargher (The Cell)



Serial Killer si Carl, at nang mahuli sya ng mga FBI, na-coma sya bago nya masabi kung nasaan nakakulong ang latest victim nya. Para mailigtas ang biktima, humingi ng tulong ang FBI sa isang psychologist (played by Jennifer Lopez) na gamitin ang isang advanced technology para mapasok ang utak ng killer at makuha ang information.

Pagpasok nya sa utak ni Carl, yang mga nasa picture na yan ang na-encounter nya - ang visualization ni Carl sa sarili nya, kung saan sya ang hari sa sarili nyang kingdom at pwede nyang gawin lahat ng gusto nya. At marami syang costume changes, malulula kahit si Lady Gaga.

Kailangan mong mapanood ang movie para maramdaman yung buong fear of being trapped sa isang lugar kasama ang isang serial killer. At kayong dalawa lang doon.

When to watch: Kapag trip mong mag-reminisce ng late 90's movies. Or kung gusto mong makanood ng pelikula ni J-Lo na hindi chick flick.

Watch this scene, kung saan unang nakilala ng bida si Carl:



The Last Zombie (REC)



Speaking of being trapped, itong movie na ito ang ultimate horror movie para sa akin. Hindi ako mahilig sa zombies, lalo kung ang ipapanglaban ko ay plants, pero exception to the rule itong REC.

Sumama si Angela, isang reporter at ang kanyang cameraman sa mga bumbero para mag-respond sa isang 911 call sa isang apartment building.

Pagdating sa loob, sinara ng ang building at na-quarantine, dahil may nakakahawang sakit na kumakalat sa loob. At lahat ng naiinfect, nangangain ng tao.

Para makalabas sila Angela, binalak nilang dumaan sa attic. Kaso may zombie dun (yang nasa picture). Buti na lang madilim, hindi sila makita ng zombie, kaya hindi nya alam na may tao. Kaya tahimik lang sila Angela habang palakad-lakad sa tabi nila yung zombie.

Ang hirap ipaliwanag, panoorin nyo na lang. Or imaginine mo, nakaupo ka sa isang sulok at yang nasa picture eh palakad-lakad sa harap mo.

Ang hirap ipaliwanag, watch mo na lang ito for full effect:



When to watch: Kapag mag-isa ka lang sa bahay, and you want to give zombies a chance...

Sadako's Mother (Ring)




Ang power ng movie na ito ay hindi sa special effects o sa panggulat na sounds, kundi nasa istorya. Atmospheric ang scare nito: tahimik, calm, peaceful. Na kung iisipin mo eh mas nakakatakot.

Halimbawa, yang scene sa screenshot. Napakasimpleng gawain ang pagsuklay ng buhok, pero iba ang dating ng eksena na ito sa movie. Napaka-sinister ng nanay ni Sadako. If I know sya rin ang naghukay ng balon.

When to watch: I don't know about you but I watch this every year. Annual tradition???

Count Dracula (Bram Stoker's Dracula)





Hindi rin ako mahilig sa vampire stuff, pero exception uli itong classic na movie na ito. Napakaraming scenes dito na pwede mong mapanaginipan: si Count Dracula gumagapang sa walls na parang butiki.

Ang anino ni Count Dracula na gumagalaw mag-isa...

Ang hair and makeup ni Count Dracula...

Eto yung paborito kong eksena kung saan unang nakilala ng bida si Count Dracula:



When to watch: Halloween night, or any weekend night, matapos magsex. Alangan naman before???

Lilia Cuntapay (Shake, Rattle & Roll IV)



OK, ipilit mong hindi ka natakot ni Lilia Cuntapay kahit minsan sa buhay mo.

Sayang lang hindi ko ma-screenshot yung mismong eksena kung saan si Ai-Ai at ang anak nyang si Teks na natutulog sa bangketa eh nanginginig sa takot habang palakad-lakad sa paligid nila si Lilia Cuntapay.

It turns out si Aiko Melendez ang manananggal. Pero kay Lilia Cuntapay pa rin ako natatakot. This bitch is a hall-of-famer.

Special Mention:

Satan's Baby (The Passion of the Christ)



Sinong hindi natakot sa baby na ito? This scene is supposed to signify ang pangungutya ni Satan kay Jesus Christ: inaalagaan nya ang baby, samantalang si Hesus, iniwan ng kanyang Ama sa langit.

This is one of the best/scariest moments sa film, looking past yung torture at crucifixion.

Naalala ko tuloy nung pinalabas itong movie na ito sa SM. Niyaya ako ng bestfriend kong manood. Bumili pa sya ng pop corn. Ayun, umiyak kami habang nanonood... pero kumakain pa rin ng popcorn.

What about you, sinong horror movie character ang bumagabag sa iyo?

Thanks Kids! Bye.

the annual kalsada blog awards

Ahahaha! Hey Kids! Nanalo ako ng awards. Walang trophy or sash (Mr Peace?), badge lang at bragging rights kasi parang katuwaan lang. The Annual Blog Awards 2010 na gawa ni Zyra.

May nagnominate sa akin para sa Best Blog Design (ewan ko kung sino) at nanalo ako. Salamat sa nagnominate at sa mga bumoto. Na-conscious tuloy ako bigla sa itsura ng blog ko kaya soon eh magpapalit ako uli ng layout. Aalisin ko na yang uwak, yang bungo, yang langaw at yang patay na teddy bear, etc. Nude pic ko ang gagawin kong header.




Salamat rin sa hayup(!!!) na XProsaic at na-appreciate nya nang husto ang blog ko kaya ni-nominate nya ako dito:




EMO MODE ACTIVATE!

Nakakatampo lang kasi diba, hindi ko naman alam na ganito ang tingin nyo sa akin at sa blog ko - Rated X. Porke ba nagpost ako ng movie reviews ng Tarzan X, Avatar XXX at Deep Throat eh macoconsider na bastos na ang blog ko?

Okay, sabihin na nating puro kalibugan lang ang sinusulat ko, who doesn't?

Okay, nagpost ako noon ng porn movie, pero ginawa ko naman syang music video, may lyrics pa... It's art, duh!

EMO MODE DEACTIVATE.

Rated X Blogger of the Year OMG! At nanalo ako. It's so not me! (arte) Hello, pambata ang blog ko, kaya nga Hey Kids! ang greeting ko diba???

This award reminds me of my old job dun sa porno company. I worked hard for it, but I can't be proud of it, lalo sa mga magulang ko ahaha! Masasampal ako ni Doris to the left to the left.

I got another award which came as a surprise to me:




Joke. Hindi ko mapapanalunan yan. Not in a million years.

Hindi naman ako nangampanya masyado, isang post lang sa Wickedmouth Facebook page, at konting pang-uudyok sa mga kaibigan kong alam kong kakampihan ako kahit saang presinto. Kasi kanino ka pa ba hihingi ng suporta kundi sa mga kaibigan mong patapon rin ang buhay diba...

Sabi nga ng The Beatles,

I get by with a little help from my friends with benefits.


Salamat po mga Kids sa mga nag-nominate at nag-vote, mwah mwah smoochchupa.

folklore

Nagkaroon ako ng kakaibang Christmas celebration. Nung Pasko umuwi ako para makasama sina Doris (Mudrax) at Sasha Fierce (Tita). Dumating akong pagod sa byahe at umidlip - paggising ko, ala una na. Alas nuebe ng umaga kami nag-Noche Buena.

Nung New Year naman, pagod uli ako sa byahe pero pinigil ko ang antok ko para salubungin ang taon. Tapos na kami kumain bago pa man mag-countdown. Pagsapit ng alas dose, tahimik ang mga kapitbahay namin, walang nagpaputok. Nasa loob lang kami ng bahay. Hindi na rin kami nagkalampag ng mga kaserola at nagtorotot gaya ng dati naming ginagawa. Natulog na si Sasha Fierce. Nagkuwentuhan na lang kami ni Doris.

Sabi nya, nung unang dating raw ni Sasha Fierce sa Baguio, na-engkanto sya. Palibhasa bagong lipat lang sila sa apartment na tinitirhan nila ngayon, hindi nila alam na may mga nilalang pala na hindi nakikita sa paligid. Nabulabog siguro sa ingay ni Sasha Fierce. Namaga ang paa nya. Niresetahan ng gamot ng doktor, lalong lumala. Pinatignan sa albularyo, hinilot. Kinabukasan, nawala ang maga.

Sinubukan kong takutin sya, kinuwento ko yung nakita kong mga buhok-buhok sa kwarto ko. (Basahin dito) Fail. Hindi sya natakot. Sabi nya, baka nandun na yung buhok bago pa ako dumating. Huwag raw akong gumawa ng sarili kong katatakutan. May takot na resulta lang ng imahinasyon.

Tapos sya naman ang nagkwento ng mga horror stories nya.

At ako ang natakot.

Gaya ng sinasabi nya lagi, huwag akong maging matatakutin, dahil ang bilin daw ng Lola ko (mudrax ni Mudrax), habang lalo mong iniisip na natatakot ka, lalo ka lang matatakot. Kaya alisin mo sa sarili mong utak ang takot at tanggapin mong hindi lang tayong mga tao ang nandito sa mundo. Ganun ang inisip ng Lola nung nakakita sya ng tikbalang.

Actually, hindi tikbalang, kundi centaur (tao sa beywang pataas, kabayo sa beywang pababa). Kumbaga sa Zodiac eh Sagittarius. Hindi pa nun naipapanganak si Doris. Ang bahay nila ay nasa edge ng gubat sa tabi ng dagat at isang gabi, tulog na ang lahat nang may narinig si Lola na yapak ng kabayo na dahan-dahang naglalakad. Sumilip sya sa maliit na siwang sa bintana at nakita nya na lumabas mula sa gubat ang centaur, dumaan lang sa harap ng bahay at pumunta sa dagat.

Nung hindi na nya makita ang centaur, tahimik nyang isinara ang bintana at natulog muli.

Coexistence. Ang nilalang na wala namang ginagawang masama sa iyo, bakit mo katatakutan at bubulabugin? Live and let live.

Pero hindi laging ganun, dahil may nilalang na may masamang intensyon sa kapwa. Noong bata pa si Doris, muntik na syang ma-aswang. Dalawang beses, noong batang paslit pa sya.

Sa lugar nila sa Bacolod, meron raw mag-asawa, si Esteban Burhot at ang asawa nyang si Ducia. Minsan, nagtinda si Ducia ng inihaw na mais sa labas ng bahay nila. Dahil mahilig sa mais ang batang si Doris, bumili sya. Habang bumibili sya, binati siya ni Ducia, "Ito pala ang anak ni Iniego (pudrax ni mudrax) ..." sabay tinapik sya sa noo.

Kinagabihan, sumakit ang tiyan ni Doris. Hindi kapani-paniwala na sa tapik lang sa noo eh pwede mong aswangin ang isang tao? Siguro. Parehong prinsipyo lang siguro yun sa mga albularyo na nanggagamot sa hilot lang, o sa mga na-usog na pagpahid lang ng laway ang katapat.

Nung isa-isahin nya sa Lola ko kung ano ang mga kinain nya nung araw na yun, at nasabi nyang kumain sya ng paninda ni Ducia, agad na lumabas si Lola para kumuha ng mga dahon ng talong. Habang namimilipit sa sakit ng tiyan si Doris, sinunog ni Lola yung mga dahon, at noon lang nahinto yung sakit ng tiyan nya. Ang paliwang ng Lola, mangangati raw yung katawan ng aswang kapag nagsunog ka ng dahon ng talong.

Kinabukasan, pinuntahan ng Lola si Ducia at tinanong, "Inaswang mo ba kagabi ang anak ko?"

At si Ducia, imbes na magkaila, ang sabi lang ay "Pasensya ka na ha?"

Ang kuwento pa ni Doris, kaklase nya ang anak ni Ducia, isang batang lalaki na hindi na nya maalala ang pangalan. Nagkuwento raw yung batang iyon kay Doris na minsan, kapag gabi, nakikita nya ang nanay nyang si Ducia, nagpapalit ng anyo at nagiging aso.

Sabi pa ni Doris, pati yung asawa nyang si Esteban Burhot ay aswang rin. Tinatawag syang "Burhot" na ang ibig sabihin ay "buhawi" dahil kahit matandang-matanda na siya, mabilis syang kumilos. Lagi syang may dalang sako, at minsan may mga nawawalang bata kapag napapadaan sya.

May mga nawalang batang magkakapatid sa lugar nila, tatlo sila. Naglalaro lang sila sa dalampasigan pero bigla silang nawala. Makalipas ang isang linggo, nakita ang mga bangkay nila sa ilog, na napakalayo sa kung saan sila huling makita. Inuwi ang mga bangkay nila para mabigyan ng maayos na libing. May hinala na ang mga tao kung ano ang nangyari sa kanila, at kung sino ang may gawa.

Noong mga panahong iyon, buhay na buhay ang supernatural. Yung mga bagay na hindi natin matanggap ngayon, yung mga pilit nating hinahanapan ng paliwanag, yun yung mga bagay na tinatanggap noon na katotohanan. Doon pumapasok ang mga pamahiin.

Pamahiin daw noon na kapag may namatay dahil sa pang-aaswang, sa araw ng libing, imbes na idaan sa pinto ang kabaong ng namatay, dapat mo itong idaan sa bintana para mapatunayan ang hinala mo. Kaya yun ang ginawa nila sa mga kabaong ng mga namatay na magkakapatid, idinaan sa bintana. At matapos idaan, isa-isang binuksan ang mga kabaong. Walang lamang bangkay ang mga kabaong, kundi mga putol-putol na puno (trunk) ng saging.

Sabi ni Doris, yung tunay na katawan ng mga bata ay kinuha na ng aswang bago pa man sila matagpuan sa ilog, at pinalitan nya ng puno ng saging ang mga katawan, na sa tingin ng tao ay tatlong bangkay ng mga bata.

Ang pangalawang tangkang pang-aaswang sa kay Doris ay nangyari rin nung mga panahong yun, kasama ang mga ate at pinsan nya. Minsan raw, habang naglalaro sila Doris sa bangka sa dalampasigan, dumating ang Lola at nadatnan si Esteban Burhot na nakatitig sa mga bata, may dalang mahabang kawayan.

Tahimik na nanood ang Lola ko habang iniisa-isa ni Esteban Burhot na sukatin ang laki ng bawat bata, at kung gaano kalaki ang bata, ganun kahaba ang puputilin nya sa kawayan. Apat sila sa bangka, at apat na putol ng kawayan ang hinanda ni Esteban Burhot. Matapos putulin, nilapitan nya ang bangka at inuga, para malunod sila.

Sumigaw ang Lola ko, pinaalis si Esteban Burhot, minura nya, hanggang sa umalis. Sabi ni Doris, kung hindi dumating ang Lola ko at nalunod sila, makikita na lang ang bangkay nila sa dalampasigan, at iisipin ng mga tao na nalunod nga sila. Pero kapag idinaan ang mga kabaong sa bintana, ang makikita nila ay apat na putol ng kawayan.

Naikwento nya ito sa akin ni Sasha Fierce dati, nung minsang nanonood sya ng Survivor at nakakita ng kaparehong bangka, hindi lang nya maalala na Nanay ko ang isa sa mga kasama nya noon sa bangkang iyon. (Basahin dito) Malabo kasi sya magkwento, at yung sinasabi nyang "sinukat kami ng aswang" eh ngayon ko lang naintindihan sa kwento ni Doris.

Nabanggit ko na rin noon na may inaway nga na aswang ang Lola ko, pero ngayong kinuwento uli sa akin ni Doris saka ko lang napag-tagpi-tagpi ang buong kwento at nalagyan ng pangalan ang mga tauhan, pati ang mismong pangalan ng mga aswang.

Ang mga nakakarating kasing mga kwento sa atin ngayon eh laging "kapatid ng pinsan ng bayaw ng kapitbahay ng kaklase ko". Walang firsthand account, kaya napaka-extraordinary sa akin na marinig ang kuwentong ito na mula mismo sa Nanay at Tita ko, na kinuwento sa akin sa magkaibang panahon, at alam kong totoo ang kwento nila dahil sila mismo ang nandun, hindi ang hipag ng kakilala ng biyenan ng kaibigan ng lola nila.

Yung mga ganitong kwento, pinagtatawanan na lang ngayon. Sino pa ba ang matatakot ngayon sa aswang, sa panahon ng mga long-haired ghosts mula sa balon at mga bampirang may karibal na werewolf... Pero para sa akin, yung mga ganitong kwento pa rin ang mas gusto kong marinig, kahit sa Bisperas ng Bagong Taon, at hindi ko man maramdaman yung matinding sakit ng tiyan, o yung takot sa bangkang inuuga ng kapitbahay na aswang, meron naman akong maikwekwento sa mga susunod na henerasyon, na galing sila sa lahing hindi nagpasindak sa engkanto, aswang o tikbalang.

vintage glentot

Hey Kids. Last Christmas eh naisipan kong magkalkal sa mga baul-baul at may natagpuan akong mga kasumpa-sumpang litrato. Sobrang luma na kaya inabot na ng moisture kaya naisip ko na bago sila tuluyang masira eh kailangan ma-preserve ko sila at ma-share sa iba dahil parte sila ng history.

Dahil wala akong scanner, kinunan ko na lang sila ng picture para magkaroon ako ng soft-copy, kainin man ng amag ang pictures. Gusto ko lang kayong bigyan ng konting peek sa buhay me noong batang paslit pa lang me.

Eto ang mga gigs ko nun...



Limang taong gulang ako noon (with bangs) at graduation yan ng Day Care. Dahil first time kong ga-graduate, pakialam ko ba sa mga kaganapang yan? Basta meron akong medal at kailangan kong umakyat sa stage at mag-speech para ma-inspire ang aking mga fellow graduates na ayusin ang mga tae-tae nilang buhay. (Ayun last time I checked mga patapon na sila.)

I think yung Tita kong teacher rin sa school na yun ang sumulat ng speech. Bilang preparasyon, sinulat ni Doris yung speech sa likod ng malaking kartolina para maisaulo ko. Ang haba nun at English pa, pero kailangan ma-memorize ko yun, bawal ang kodigo.

Nang kunin ang larawang yan, kunot na ang noo ko sa kalagitnaan ng pagsasalita, at makikita mo sa aking facial expression kung paano ko na-master ang speech................. not. Malamang nakatingin ako kay Doris my mudrax sa audience at humihingi ng clue kung nasaan na ako banda sa putanginang speech na yun.

Actually meron pa akong isang event nung kinder... nag-parade kaming mga kids na may hawak na hula-hoop. Si Doris, sunod nang sunod sa parada kasi nagta-tantrum ako kapag nawawala sya sa paningin ko. Sa gitna ng parade, umulan, pero pinalakad pa rin kami. Matapos ang parade, bumalik kami uli sa school kasi may dance number pa kami, gamit pa rin ang hula hooop, to the tune of "Chiquitita" by ABBA -- at umuulan pa rin.

Gusto ko lang sanang ipagbigay-alam sa mga kinauukulan na pinilit kami ng school na magsayaw sa malakas na ulan. Awang-awa ako sa sarili ko. Nakatingin lang ako sa audience kung saan nakatayo si Doris, nagmamaka-awa, Take me away from here! Iyak ako nang iyak habang hawak-hawak yung hula-hoop at sumasabay sa "Try once more like you did before, sing a new song Chiquitita..."

I swear kapag mura na ang gas babalik ako sa school namin at magkakaroon ng isang malaking sunog.

Sayang lang walang dalang camera si Doris nun. Nakita nyo sana kung paano ako nagdusa. Anyway eto pa yung isa kong pinagdusahan:



For sure namumukhaan nyo yang nakakasukang picture na yan sa aking previous post. Cub Scout ako nyan, at tinanggap ko na sa sarili ko na ang mundo ay puno ng pasakit, hinanakit, pagdurusa. Sana itinuro nila sa Cub Scouts kung paano magpakamatay.

Nais ko lamang ipaliwanag na ang sombrero ay yari sa makapal na papel, at yung "vest" naman ay yari banig. Na sobrang hindi makati sa katawan, as in hindi talaga. Hindi lang ako ang pinagsuot nyan kundi lahat kami. Ewan ko kung ano ang na-achieve ng mga nagpasuot nyan sa amin. Sana maayos na ang mga buhay nila ngayon.......................... sa bilangguan.

Kitang-kita sa facial expression ko sa picture na masaya ako nung araw na yun. Mula sa kunot ng noo hanggang sa ayaw paawat na pout. Mapapansin rin sa aking rigid posture na komportable ako sa pinasuot sa akin. Actually hindi ko naisip na bunutin yang flag sa likod ko at ihampas sa pagmumukha ng may pakana nito. Ang naisip ko lang noon eh sana bumuka na ang lupa at lamunin ako nang buo.

Actually meron pang isang event nung araw na yan. Yung putanginang sack race. Required kami lahat sumali. Wala na akong nagawa kundi isuot yung sako at tumalon-talon habang inuulit-ulit sa sarili ko, Think happy thoughts, think happy thoughts...



When this picture was taken, manhid na ako sa mga pighati. Lagi na akong naka-tune out at unaffected. Ang buhay ko ay isang sumpa at magwawakas rin ang lahat pagdating ng Taghukom.

May program kasi sa school at kailangan magparamihan ng pera sa pagca-canvass, tapos yung mga candidate eh paglalaban-labanin yung mga pera nila at magkakaroon ng title yung mananalo. Galit na galit si Doris nang malaman na isinali ako ng teacher ko. Masisisi ko ba yung teacher, eh ang cute cute ko. Paki-zoom yung pic kung ayaw mong maniwala.

Kaya asar na asar si Doris eh hindi naman sya mahilig sa ganyang event lalo kung may kaakibat na solicitation. Nag-ambag-ambag lahat ng kamag-anak at kakilala namin hanggang sa ma-achieve ko ang title na...

MR PEACE

Ang buhay nga naman. Mr Peace ampotah...

Tignan nang maigi ang larawan. Ako yung nakaupo at naka-prince na costume at base uli sa aking facial expression, mukhang nag-memeditate ako kung kelan magugunaw ang mundong kinauupuan ko. Yung guy na nakatayo sa tabi ko with the keempee hair ay ang aking Tito. Matapos ang event na ito ay hindi nya na ako kinausap muli, hanggang ngayon. Yung isa pang babaeng nakatayo sa right side na inabot ng amag ang hair ay Ninang ko sa kompil (yung church ceremony kung saan kokrompalin ka ng pari). I believe sya ang nag-udyok sa akin na isuot yung putanginang costume na yun. Hindi ko na sya kinausap muli, hanggang ngayon.

Pero mag-focus tayo sa katabi ko sa upuan, si Miss Peace Frances, na base sa facial expression ay hindi papahuli nang buhay. Labinlimang taon yata ang agwat namin sa edad pero hindi naman yun ang basehan sa pagpapares kundi ang na-canvass na salapi. At mukhang kinapos lang rin sya kaya Miss Peace lang ang na-achieve nya. Pero nakapag-invest sya sa gown na turtle neck, pati sa hair at syempre sa ayaw paawat na make-up. Meron pa syang chismosang crown kyeme.

Mukha na talaga syang Princess........................... na suicidal. Hindi ko na alam kung nasaang lupalop ng daigdig na sya ngayon pero parang gusto ko syang hanapin at ipakita ang larawan nya, sabay i-confront sya, "Ikaw nga si Miss Peace, pero di mo man lang pinanindigan. Ang dapat na title mo ay Miss Doom."

Masdan ang trophy ni Miss Peace at ikompara sa trophy ko. I think yun nga ang ginagawa ko nung kinunan ang picture na yan, tinitignan kong maigi yung trophy. At baka ito rin ang dahilan ng ngitngit ni Miss Peace, unfair ang tropy nya kasi mas maliit. Hindi nya pa natanggap na ang buhay ay puno ng pasakit, hinanakit, pagdurusa. O baka nagdarasal lang rin sya sa langit para sa isang tidal wave o kaya isang very nice na kidlat para matapos na ang lahat.

Actually meron pa akong isang picture sa event na ito, kung saan katabi ko naman si Miss Hope, yung kapitbahay naming toasted (negrita). Buti na lang, isa yung picture na yun sa mga nawala ko sa taxi, dahil ayoko na talagang makita yun kasi medyo close up, kitang-kita ang kuliti ko sa mata.

Opo, may kuliti ako sa event na yan.

Parang gusto kong lagyan ng caption ang pic!

Tito: Huy kuliti tumingin ka sa camera. *smiles*
Ninang: Ako ang nagdonate ng trophies, kabog sila sa ganda ko.
Glentot: Ako si Mr Peace!!!

Frances: Mga putang-ina ninyong lahat!
OK yan lang muna... next naman eh yung mga nude pics me noong batang paslit pa me.

Kthanksbye!
Mwachupa!
Smoochchupa!

Nagmamahal,

Mr Peace
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

padding

Padding