oh na na what's my name?

Hindi ko gusto ang pangalan ko. Glenn. Ang dahilan: wala akong nickname. Nung bago ako sa office namin, nagfill-up ako ng form para magkaroon ng ID, may field para sa nickname. Ang nilagay ko "Glen". Oo tinanggal ko lang yung isang N. Pinush ko talaga yun. Yung "Glentot" eh screen name ko lang yun.

Ang nanay ko ang nagpangalan sa akin. Dalaga pa lang daw sya, gusto na nyang magkaroon ng anak na Glenn ang pangalan. Meron daw kasi syang kakilalang Glenn at gustong-gusto daw nya yung tunog ng pangalan na yun. Naisip din daw nyang ipangalan ako sa Lolo ko, IƱigo, pero dahil lasenggo yun, wag na lang daw kasi baka daw gayahin ko.

Ang dapat na ipapangalan naman sa akin ng Tatay ko eh Joaquin. Kung hindi naman, eh Dennis. Kung sya ang nasunod eh di sana kahit papano may nickname ako, like Wack-Wack o kahit Dencio papayag ako, hindi yung stuck ako sa isang syllable na Glenn habambuhay. Yung isang Tita ko, binigyan ako ng nickname na Glenn-Glenn. Maipilit lang.

Pero minsan hindi rin magandang magkaroon ng nickname. Lalo kung mabaho ang nickname na ibibigay sa iyo. Yung pamangkin kong babae, ang palayaw eh Dagul. Yung isang schoolmate ko, ang pangalan eh pagkatino-tinong Tangerine, nabigyan ng palayaw na Tungaw. Yung kapitbahay namin noon eh nalimutan ko na ang tunay na pangalan pero ang nickname nya eh Kang-Kang.

At lalayo pa ba tayo, sa pangalang Krissa na naging "Khikhi"? Laswa.

Nabanggit ko na ba na ang dapat daw na ipapangalan kay Khikhi eh "Inderra Grande"? Sayang no? Pero for sure kahit ano pang ipangalan dun eh malaswa pa rin ang magiging nickname nya.

Sa Bacolod, marami kaming kamag-anak na ang palayaw eh generic. Lahat sila Inday. Parang hindi effective na magkaroon ng nickname na Inday kung tuwing tatawagin ka eh sixteen katao ang lilingon.

Ipupusta ko ang nose hair ko, lahat tayo may friend na ang palayaw eh isa sa mga ito: JR, Jay-R, Jhey-Are, o kaya Jhei-Ahr. Kung hindi naman eh Jun, Jun-Jun, Jhun-Jhun o kaya Unyor. Kapag ang pangalan nya eh pareho ng pangalan ng tatay nya, automatic yan. Junjun.

Ipupusta ko ang kaliwang eyelid ko, lahat tayo may kilalang ang pangalan eh may "Lyn" sa dulo. Ipupusta ko ang kanang eyelid ko na hindi bababa sa sampu ang kakilala nating may "Lyn" sa pangalan. Emelyn Remelyn Emmalyn Analyn.

And recently, Ernalyn.

Hindi naman natin kailangang ma-stuck sa kung anong nickname ang ibibigay sa atin ng mga family and friends. Ang tita ko, walang habas magpalit ng nickname. More more alias sya. Ang given name nya eh Sharin, at eto ang mga naging nicknames nya: Sharina, Shasha, Rina. Ang paborito ko eh yung nickname yang Tita Shawie.

Etong malupit. Nung malapit na syang mag-sixty nag-abroad sya kaya nagprocess sya ng mga requirements like birth certificate. At dun nya nalaman na ang tunay pala nyang pangalan eh hindi Sharin, kundi Maria Ciaren. After all these years...

Dahil sa pagkakadagdag ng Maria sa pangalan nya nadagdagan din ang nicknames nya. Ang latest eh Marie. Sa blog ko, she's better known as Sasha Fierce.

Sa side ng Tatay ko may Uncle ako akong pangalan eh Leovigildo. Ang nickname nya eh Bildo. I know right!!! Parang sex toy. Ang tatay nya ang pangalan eh Gaudencio. May anak si Gaudencio na isinunod ang pangalan sa kanya, kaya syempre ang palayaw ng anak nya ay... tama! Junior.

May Auntie ako ang pangalan eh "Luvizminda". Di ba yung common eh "Luzviminda"? Sa kanya eh "Luvizminda" talaga. Unique. As in LUzon VIZayas MINdanao. Kung sya ang pangalan nya eh nationwide ang scope, wait till you hear ang pangalan ng nanay nya (Lola ko), mas wider ang coverage. You're gonna shit.

"Planetas".

Yup!!! Planetas!!! Pang outer space.

Nickname nya, Maning. Don't ask why.

Buti na lang medyo natigil na ang pagpapangalan ng mga makalumang names sa mga bata ngayon. Ngayon kasi kung luma ang tunog ng pangalan mo eh tutuksuhin ka ng mga kaibigan mong masasama ang ugali. May mga ka-henerasyon ako na luma ang pangalan, para lang ma-update at maka-adapt sa makabagong panahon eh pinaglalagyan nila ng H ang pangalan nila. Ang resulta, bawat syllable tadtad ng letter H. Kung kulang pa ang embellishment, lahat ng S gawing Z.

Ito ang nag-udyok sa isang kakilala kong may makalumang pangalan na magpalit sya ng pangalan, "Third" daw ang itawag sa kanya. Ayaw nya kasi tinatawag sya sa kanyang given name na Pablito Jun. Hindi sya satisfied sa Phablhito Jhunn. Kailangan, Third.

Noong high school meron akong schoolmate ang pangalan eh Gumamelanie. Swear! Parang Gumamela dapat ang name nya, pero para sa parents nya, hindi pa unique enough ang Gumamela, ginawa na rin nilang Melanie sabay pinagmerge. Wala akong maisip na mas unique pa sa pangalang Gumamelanie, except yung nakakababata nyang kapatid na si Bougainvillajoy. Joke.

May benefit ang unique na pangalan, lalo sa NBI. Kapag common kasi, at may nakapangalan kang criminal, matagal na proseso ang pagkuha ng NBI clearance. For sure hindi yun naging problema ng dalawang na-encounter kong unique names noon sa school, sila Iaiae (pronounced as "Iyayi") at si Thz-Z (pronounced as "Zee-zay").

Noong college may kakilala ako ang pangalan eh Einstein. Imagine mo kung anong klaseng pressure sa iyo kung ang pangalan mo eh Einstein. Likas na scientist. Dalawa lang yan. Pigain mo ang lahat ng juices ng utak mo para maging genius. O kaya tiisin na lang ang panlalait tuwing sasabihan kang "Einstein pa naman pangalan mo tapos shunga ka!"

May nakita ako noon sa dyaryo naghahanap ng pen pal. Ang pangalan nya eh Louella. Which is ordinary lang naman. Ang medyo attention grabber eh ang apelyido.

Louella Quinantot.

Eto ang da best. Sa buhay mo, ilang "Jennifer" ang kilala mo? Siguro marami. Ako, may kilala ako, tatlo.

Nagtataka ka siguro kung bakit tatlo lang, common name ang Jennifer diba?

Oo common, sa babae.

Yung tatlong Jennifer na kakilala ko eh mga lalaki.

Yung una eh napangasawa ng pinsan ko. Ang spelling eh Jenepher. Kung babasahin mo nga naman parang hindi masyadong pambabae yung pangalan. Pero syempre pag binasa, Jennifer pa rin ang tunog. Ayun pinapalitan nya yung pangalan nya, Richard na sya ngayon.

Yung pangalawang Jennifer na na-encounter ko eh isang mahusay na instructor. Medyo takot ako sa kanya noon kasi bobo ako sa klase nya. Wala namang kinalaman ang pagtuturo nya sa pangalan nya, naaalala ko lang nga kakaiba yung pangalan nya. Ang spelling naman ng kanya eh Jennefer.

Yung pangatlong Jennifer eh Jennifer talaga ang spelling. Ang nickname nya eh "Amper". Mabuti na yun keysa naman kung ang nickname nya eh Jhen. Hindi ko na sya natanong kung bakit Jennifer ang ipinangalan sa kanya ng nanay nya. Nagkamali ba? O gusto talaga ng nanay nya ng kakaibang names? Kasi yung kapatid ni Jennifer, na lalaki rin, ang pangalan naman eh Charito.

You crazy! Bye Kids mwah mwah smoochchupa.

squirtle

Habang wala pa akong post, eto muna ang video ni Caloy na nagpapakita ng kanyang special hidden talent. Panoorin maigi (mas madaling makita kapag naka-full screen). Kaya nyo rin ba ito?



Video taken at Starbucks MOA last year.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

padding

Padding